Parang isang masamang panaginip.
Tumawag sa akin ang tatay ko kahapon -- nakatanggap siya ng tawag mula sa pinsan ko, tinatanung kung alam niya nasaan ang tatay nila. Alas-9:30 na ng umaga at hindi pa ito umuuwi. Tinawagan namin ang lahat ng ospital, at ipina-check din ang kanyang sasakyan. Baka naaksidente. Baka nalasing. Sana, may kabit at doon na natulog. Ngunit alam kong wala. Sigurado akong wala. Pagkaraan ng isang oras, tumawag muli ang tatay ko -- at hindi ko makakalimutan ang boses niya. Parang naiiyak na sumisigaw. May pulis na tumawag sa bahay ng pinsan ko, may natagpuan silang katawan sa damuhan ng Taytay, Rizal. Kung pwede daw ba nilang puntahan at i-identify.
Dumiretso na ako sa may Damar upang samahan ang tatay ko. Kasama namin ang isang family friend na maraming kilala sa gobyerno. Tinanong niya ako -- bakit ka sasama? Kaya mo ba? Ano bang gagawin mo doon? Wala. Gusto ko lang makasama ang papa ko, alam kong hindi magiging madali para sa kanya at gusto kong nandoon ako.
Halos dalawang oras kaming paikot ikot. Una, sinabing ang katawan daw ay nasa Taytay police station. Pangalawa, napakalakas ng ulan nung mga sandaling yon, at bahang baha na ang mga kalsada. Naunang dumating sa istasyon ang bunso kong kapatid. Tumawag siya sa akin, positive, tito ko nga. Ngunit wala ang katawan. Nilipat daw nila sa Krame. Mga gamit na lamang -- duguang ID, duguang relos, duguang sapatos at damit. Nanlumo ako. Hinawakan ko ang kamay ng papa ko bago ko sabihin sa kanya. At kitang kita ko kung pano nanlambot ang buong katawan ng tatay ko.
Dumiretso na kami sa Crame. Nag-antay kami ng isa pang oras bago ipina-identify sa amin ang katawan. Malakas ang loob ko. Akala ko, ang makikita ko, katawan na parang tulog lamang. Pag pasok namin sa loob ng morgue, di ako makapaniwala. Niyakap ko ang tatay ko, at dalawa na lamang kaming humagulgol at umiyak. Puro pasa ang katawan ng tito ko. Tatlong butas ng bala ng baril sa ulo. Sana, binaril na lamang siya at hinayaan. Ngunit binugbog muna tsaka tinuluyan. Hindi tao ang gumawa non. Hayup talaga. Pansin ko lang, kapag bangkay ka na, wala ka nang pangalan. Ang tawag na lang sa yo ay -- katawan o body. Ang katawan nahanap namin sa damuhan, hindi nahanap namin si (name of uncle) sa damuhan. Bakit ganon?
Habang tina-type ko ito, inaantay ko sa TV ang balita tungkol sa tito ko. Di ko akalaing ganito ang mangyayari. Akala ko, dahil tahimik naman kaming namumuhay, ang mga kamag-anak ko ay mamamatay sa katandaan o kaya sa sakit. Di ko naisip na ang tito kong mahilig sa showbiz, lalabas sa TV bilang salvage victim sa Taytay, Rizal.
Galit na galit ako sa tito ko dati. May isinulat pa nga ako dito sa blog tungkol sa kanya. Ngunit ngayon, hindi ko na maalala ang dahilan kung bakit ako nagalit ng ganon. Dahil madaling araw siya tumatawag sa bahay? Yon na ba? Nang tumawag sa akin ang kapatid ko, parang wala akong ibang naisip kundi ang mga good times. Kung paanong dati, tuwing Linggo, nandoon kami sa bahay niya dahil tinuturuan niya kaming magluto. Mga slides na ginawa niya ng libre para sa debut ko. Nang tumawag ako sa kanya ng hatinggabi, dahil hindi ko makuha kuha ng tama ang recipe para sa steamed lapu lapu para sa catering ko. Ganon pala yon. Maaalala mong lahat.
Tuwing gabi, bago ako matulog, nagpapasalamat ako na nasa mabuting kondisyon pa rin ang mga taong mahal ko sa buhay. Ngunit kagabi, puro tanong ang dasal ko. Bakit? Sa mga ganitong pangyayari, hindi ko talaga naiintindihan kung bakit ganito ang kailangang mangyari. Paano na ang mga anak niya? Anim ang anak niya, ang panganay ay 22 years old. Matagal na silang hiwalay ng asawa.
Hindi pa rin ako makapaniwala. Pakiramdam ko'y masamang biro lamang ito. Na anytime now, magri-ring ang telepono, at sasabihin ng pulis na nagkamali sila ng balita. Hindi tito ko yung nakahiga sa punerarya ngayon. Ewan. Ganon ata talaga pag biglaan ang pagkawala.
Hinalungkat namin ang mga gamit niya kahapon, at lalo akong nanlambot at nalungkot. Naroon lahat ng kalat niya, na akala mo, walang nangyari. Papel ng mga dokumento, scratch paper, mga sulat sulat niya. Hindi ako makapaniwala. Parang buhay pa rin siya. Kagabi, para akong tanga, pero bawat ring ng telepono, naiisip ko, siya yung tumatawag. Kung ako nagkakaganito, paano pa ang mga anak niya?
Ano ba ang dapat gawin sa ganitong sitwasyon? Hindi ako paladasal, at hindi ako naniniwalang mareresolba ng dasal ang lahat ng problema, tulad ng sinasabi ni Cory Aquino. Gusto kong may mangyari. Gusto kong mahuli ang gumawa nito. Gusto ko rin siyang ipa-salvage. Siguro yon na lamang ang ipagdadasal ko. Na sana mapabilis ang paghuli sa kanya.
shucks katie, so sorry to hear about what happened to your uncle. i'm also not a very prayerful person, and i also don't believe prayers can solve everything. but still pray, if only for strength, peace of mind and acceptance.
ReplyDeletethanks rors.
ReplyDeletesorry for your loss.
ReplyDeleteJustice will be served don't worry, if not here, at least you know that they'll rot in hell. God's delays are not God's denials.
Anyway, sana nga mahuli na ang mga criminal na yun.
your uncle is in a better place now. Let's all pray that he may rest in peace.
thanks daday.
ReplyDelete