Sabi ko nga ayaw ko na magbasa ng diyaryo. Malapit na akong maloka sa kakabasa ng mga balita tungkol sa walang kakwenta kwentang opisyales ng gobyerno.
Ngunit, dahil tuwang tuwa ata akong pahirapan ang sarili ko, binasa ko itong artikulo sa Philippine Daily Inquirer.
Tungkol sa nakakatuwang si Rolando Golez, at ang kanyang walang kamatayang pag-ubos ng pondo ng CIIF. Saan kamo niya ginamit?
-- Sa pagbili ng kanyang Nissan Patrol na nagkakahalaga ng P2 milyon.
-- Sa kanyang gasolina na nagkakahalaga ng P25,000 kada linggo. Kahit na malapit lang ang kanyang mansyon sa kanyang opisina.
-- Sa kanyang pagpunta punta sa Estados Unidos kasama ang kanyang asawa at barkada, na nagkakahalaga ng P6 milyon.
-- Sa kanyang paglaro laro ng golf at pagbili ng membership sa mga mamahaling golf clubs, na nagkakahalaga ng P960,000.
At nang siya ay tanungin tungkol sa mga ito, sinabi niyang kasama ang mga ito sa kanyang ehem...compensation package.
Ang masama dito, meron siyang mga dahilang ibinibigay upang maipaliwanag kung bakit niya KINAILANGANG gastusin ang mga ito. Tulad na lamang sa kanyang mga golf memberships. Aba, eh kailangan nga naman niya ito para sa kanyang mga opisyal na lakad at meeting. At ang kanyang mga pa-abroad abroad? Aba! Hindi ba eh nakatulong naman siya sa pagpapababa ng gastusin para sa produkto ng CIIF?
Eh kung ganon, bakit nalulugi ang kumpanya ng halos P100 milyon?!?!
Aba, hindi raw siya ang dapat sisihin para sa pagkalugi ng CIIF. Ang kanyang sinisisi sa pagkaluging ito ay ang... industriya mismo. Binasa ko na paulit ulit, paikot-ikot. Sinbukan kong baligtarin ang diyaryo, ngunit di ko pa rin naintindihan. Malamang siya lang ang nakakaintindi kung bakit. Kaya basahin na lamang niyo dito.
Marahil, nagtataka kayo bakit ako biglang nagta-Tagalog. Ito ay dahil sa tingin ko, pag nag-Ingles ako ay marami akong maisusulat na mga salitang hindi maganda ang ibig sabihin. Sa Tagalog, nagiging mas maingat ako sa aking pinagsusulat. Kaya Tagalog muna ngayon.
Mensahe ko lamang kay Rolando Golez, maganda siguro kung maintindihan niya ang pagkakaiba ng salitang KAILANGAN at LUHO. Halimbawa, KAILANGAN ng tao huminga. Ngayon, kung ipagpipilitan niyang bumili ng gas mask at gas tank na nagkakahalaga ng ilang daang libo upang huminga, yun na ang tinatawag na kaululang LUHO.
Intyendes?
No comments:
Post a Comment